‘Mamamatay kayo sa bilangguan!’- PNP chief
Warning sa mga tiwaling pulis
MANILA, Philippines — “Mamamatay kayo sa bilangguan!”.
Ito naman ang galit na pahayag ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Rommel Francisco Marbil sa apat na pulis na naaresto bunsod ng pagkakasangkot sa pagdukot sa apat na dayuhan noong Hunyo 2 sa Pasay.
Ayon kay Marbil, dismayado siya sa ganitong gawain ng ilang pulis sa kabila ng mga suporta at benepisyo na ibinibigay ng pamahalaan sa organisasyon.
Batay sa record, sina Major Carlo Villanueva, Senior Master Sergeant Angelito David, Master Sergeant Ricky Tabora at Staff Sergeant Ralph Tumangil ang mga itinuturong pulis na dumukot sa mga biktimang sina Meng Zhao, 29, at Yang Zhuan Zhuan, 30, kapwa Chinese at Shi Yi Xuan, 32, at Tang Heng Fei, 25 na sinasabing nakatakas.
Pinalaya sina Zhao, Zhuan at Xuan matapos na makapagbigay ng P2.5 milyon ransom. Nabatid na 10 John Does pa ang pinaghahanap.
Ani Marbil, tila hindi nakikita ng mga pulis ang kanilang kinabukasan at kinabukasan ng kanilang pamilya. Life imprisonment aniya ang hatol sa mga mapapatunayan sa kaso.
“We are not happy na involved ‘yung police. Hindi na natuto ‘tong mga ito. Hindi nila nakita na this is life imprisonment,” ani Marbil.
Giit ni Marbil, hindi niya hahayaan na sisirain ng iilang pulis ang imahe ng PNP at sa halip ay handa silang tanggalin sa serbisyo ang mga mapapatunayang sangkot sa iba’t ibang iligal na gawain.
Sinampahan ng kasong kidnapping for ransom, robbery at carnapping ang mga pulis.
- Latest