MANILA, Philippines — Hinikayat kahapon ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga senior citizens sa lungsod na makipagtulungan sa kanilang mga barangay sa pag-a-update ng kanilang biometrics.
Umapela rin ang alkalde sa lahat ng pinuno ng 896 barangays sa lungsod na tulungan ang city government upang epektibong maipakalat ang mga impormasyon na may kaugnayan sa pagkuha ng biometrics ng mga senior citizens, gayundin ng mga barangay officials.
Nabatid na lumiham na ang Public Employment Service Office (PESO), na pinamumunuan ni Fernan Bermejo, sa Manila Barangay Bureau (MBB) upang maipaalam ang schedule ng pagsasagawa ng proseso sa bawat barangay. Ang pagkuha ng biometrics ng mga senior citizens at barangay officials ay nagsimula na sa ilang barangay sa Districts 1 at 2.
Pinayuhan ng alkalde ang mga residente na makipag-ugnayan sa kanilang mga barangay para sa pagkuha ng biometrics na isinasagawa tuwing 9:00AM hanggang 4:00PM hanggang sa Hunyo 14.
Ang naturang proseso ay pinangangasiwaan ng mga tauhan ng Electronic Data Processing Office na pinamumunuan ni Fortune Palileo.
Ipinaliwanag ng alkalde na layunin nang pag-capture ng biometrics na mai-update ang impormasyon ng mga seniors, gayundin ang listahan ng city government para sa pamamahagi ng social amelioration package (SAP) sa kanilang sektor.