9 OFWs, 11 paslit matagumpay na napauwi mula UAE

MANILA, Philippines — Matagumpay na nai-repatriate ng pamahalaan sa Pilipinas ang 9 na overseas Filipino workers (OFWs), kasama ang kanilang 11 mga paslit na anak mula sa United Arab Emirates (UAE) kahapon.

Ayon sa Department of Migrant Workers (DMW), dakong alas-9:00 ng umaga nang dumating sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 1 ang mga OFWs at kanilang mga anak, lulan ng Philippine Airlines flight PR 659.

Nabatid na ang DMW, sa pamamagitan ng Migrant Workers’ Office sa Abu Dhabi (MWO-Abu Dhabi), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) Welfare Office sa Abu Dhabi, ay nakipagtulungan sa Philippine Embassy sa UAE upang mapabilis ang travel documentation ng mga bata at mga sanggol upang kaagad na silang makauwi ng Pilipinas, kasama ang kanilang mga ina.

Ang walo umano sa mga OFWs ay mga ina ng 11 bata, na nagkakaedad lamang ng ilang buwang gulang hanggang pitong taon.

Ang natitira namang OFW ay may naka­binbing kaso, na tinulungan ng MWO-Abu Dhabi na mapabilis ang pag-uwi nito.

Ang grupo ay ­ineskortan ni MWO Abu Dhabi Labor Attache Esa Olgado at Assistant Labor Attache Jesus Vicente Magsaysay sa Dubai International Airport, sa kanilang pag-uwi sa Maynila.

Tiniyak naman ng DMW at OWWA na ang mga pinauwing OFW ay pagkakalooban nila ng karagdagang financial assistance, ga­yundin ng transit travel at accommodations sa kanilang pag-uwi.

Show comments