Displaced workers sa QC tinulungan ni Bong Go
MANILA, Philippines — Sa sama-samang pagsisikap na iangat ang mga komunidad na may problema sa ekonomiya, personal na tinulungan ni Senador Christopher Lawrence “Bong” Go, kasama si Quezon City Mayor Joy Belmonte, ang mga nawalan ng trabaho sa lungsod noong Huwebes.
Ang inisyatiba ay pagpapatuloy ng pangako ni Go sa inklusibong pagbangon ng ekonomiya at pagbibigay ng pagkakataon sa mga mahihirap sa gitna ng patuloy na krisis.
“Sa gitna ng ating mga pagsubok, nais kong ipaabot ang aking taus-pusong suporta at pag-asa para sa inyong lahat. Ang pamahalaan ay patuloy na nagsisikap upang matulungan ang mga mahihirap na makabangon, lalo na ang mga nawalan ng trabaho,” ani Go sa okasyon ay ginanap sa Risen Garden sa Quezon City Hall.
Sinuportahan ng Malasakit Team ni Go ang 1,000 displaced workers at binigyan sila ng mga meryenda, bitamina, masks, basketball, at volleyball, habang may ilang piling tumanggap ng sapatos, bisikleta, relo, at mobile phone.
Bukod rito, nag-host ang Department of Labor and Employment ng TUPAD program orientation para sa mga kwalipikadong benepisyaryo, sa pamamagitan ng inisyatiba ni Go.
Pinasalamatan ni Go ang mga lokal na opisyal sa paglilingkod sa kanilang mga nasasakupan, kabilang sina Mayor Belmonte, Vice Mayor Gian Sotto, Konsehal Mikey Belmonte, at iba pa.
Sa kanyang talumpati, pinuri naman ni Mayor Belmonte si Go sa kanyang walang humpay na dedikasyon sa kapakanan ng mga residente ng lungsod.
“Tayo po ang napili bilang mga benepisyaryo ng ibinababang programa ng ating minamahal na senador na hindi tayo pinapabayaan kahit kailanman,” sabi ni Belmonte.
- Latest