MANILA, Philippines — Pangungunahan nina Manila Mayor Honey Lacuna at Congressman Irwin Tieng (5th district), ang groundbreaking ceremony sa itatayong Manila Cancer Center sa darating na Hunyo na magiging libre para sa mga Manilenyo.
Inanunsyo ni Tieng sa pagdalo niya sa MACHRA Balitaan forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA), na bukod sa alkalde, dadalo rin si House Speaker Ferdinand Martin Romualdez, mga senior officials ng Kongreso at iba pang congressmen ng Maynila.
Ang MCC, na una sa lungsod, ay magbibigay ng mga kinakailangang serbisyo para sa mga dumaranas ng cancer nang walang bayad sa mga pasyente.
Ang 2,000 square meters na inilaan ng alkalde para sa 5-palapag na MCC ay itatayo sa compound ng Ospital ng Maynila (OM) compound at ipapangalan sa yumaong Gov. Benjamin “Kokoy” Romualdez, ama ni Speaker Romualdez. Ang OM ay isa sa anim na pampublikong ospital na pinatatakbo ng pamahalaan at nagbibigay ng libreng serbisyong medikal para sa mga residente ng Maynila.
Sinabi niya na dahil ang mga pondo para sa MCC ay hindi unlimited, una munang ilalagay ang CT scan at isang linear accelerator upang mabigyan ang mga pasyente ng non-invasive radiation therapy.