Gunman sa Makati road rage, arestado!

Iniharap nina DILG Sec. Benjamin Abalos Jr., PNP chief Gen. Rommel Francisco Marbil at NCRPO chief Maj. Gen. Jose Melencio Nartatez Jr. sa Camp Crame ang naarestong suspek na si Gerrard Raymond Yu matapos na mabaril at mapatay ang kapwa driver sa naganap na road rage sa Makati­ City kamakalawa.
Kuha ni Michael Varcas

MANILA, Philippines — Naaresto na ng mga awtoridad ang suspek sa isang road rage incident na ikinamatay ng isang stay-in driver na senior citizen sa Makati City, sa ikinasang follow-up operation sa Pasig City kahapon.

Ang suspek na si Gerrard Raymond Yu, isang negosyante, ay inaresto ng mga pulis sa kanyang tahanan sa Riverside Village, Pasig City dakong alas-7:00 ng umaga.

Si Yu ang itinuturong bumaril at nakapatay sa biktimang si Aniceto Mateo, 65-anyos, stay-in driver sa Ayala Alabang Village, Muntinlupa City dahil lamang sa gitgitan ng sasakyan sa kalsada, na naganap sa southbound lane ng EDSA Ayala Tunnel sa Makati City dakong alas-2:30 ng hapon nitong Martes.

Natunton ng mga awtoridad ang kinaroroonan ng suspek sa tulong ng ilang testigo at mga kuha ng CCTV. Narekober din sa tahanan nito ang isang itim na Mercedes Benz na may plakang DAD 9670 habang ang plate number na BCS 77 ay nadiskubre naman sa loob ng Mercedes Benz, gayundin ang dalawang kalibre .40 pistola, na hinalang ginamit nito sa krimen.

Sa ballistic examination, natuklasang isa sa mga naturang baril na Taurus caliber .40 ay nag-matched sa narekober na basyo ng bala mula sa crime scene.

Samantala, iniharap sa media ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos Jr. sa Camp Crame ang suspek na Yu matapos ang pagkakaaresto nito.

Ayon kay Abalos, si Yu ay positibong kinilala ng ilang saksi na siyang bumaril kay Mateo. Nagpositibo rin si Yu sa gun powder nang isailalim sa paraffin test.

Sa pahayag ng ilang saksi, nakagitgitan ng suspek lulan ng Mercedez Benz ang puting Innova na minamaneho ni Mateo na may dalawang sakay sa may Ayala tunnel sa bahagi ng EDSA southbound, habang parehong bumabagtas sa Kalayaan flyover southbound sa Brgy Urdaneta, Makati City dakong alas-2:30 ng hapon nitong Martes.

Lumalabas na habang paakyat ng tunnel, binaril ng suspek ang right passenger window ng sasak­yan ng biktima na tumagos ang bala at tumama sa likod ng kanang balikat nito na nag-exit ang bala sa kaliwang bintana, saka tumakas ang suspek.

Matapos tamaan ng bala, nabangga naman ng biktima ang ilang motorsiklo sa kanyang unahan. Nagawa pa niyang imaniobra ang sasakyan sa kanang kanto ng EDSA Ayala tunnel southbound, bago nawalan ng kontrol sa manibela dahilan upang humingi na ng saklolo ang sakay nito na si Maritess Valmorio, 47, yaya, at alaga na itinago sa pangalang “Uruha”, 7-taong gulang.

Sa pagnanais na makatulong, ipinarada ng dalawang riders na sina Allando Pallorina at Kennedy Valdez ang kanilang mga motorsiklo sa harapan ng Toyota Innova, na nabangga at napinsala.

Itinurn-over ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ang video footages patungkol sa insidente at sa modelo at plaka ng sasakyan kaya naberipika ang registered owner nito.

Nakipag-ugnayan din ang Makati City Police Station sa Land Transportation Office kaya natukoy na isang Susumo Hosai ang may-ari ng Mercedez Benz na sangkot sa road rage, batay sa report ni P/CMS Andy Lou Salas-Vallo, may hawak ng kaso.

Kaugnay nito, sinabi ni LTO chief Vigor D. Mendoza II na pinadalhan na nila ng Show Cause Order (SCO) ang registered owner ng black Mercedes Benz na sangkot sa nasabing road rage incident sa Makati City. — Ludy Bermudo at Angie Dela Cruz

Show comments