Tandem namaril sa Tondo: 1 utas, 2 sugatan

MANILA, Philippines — Isang lalaki ang patay nang pagbabarilin ng ‘di kilalang salarin habang sugatan ang dalawang iba pa na minalas na tamaan ng ligaw na bala sa Tondo, Manila ka­makalawa ng gabi.

Naisugod pa sa Ospital ng Tondo ang biktimang si Johnny Rome Tiangco, 31, ng Hermosa St., Tondo ngunit binawian din ng buhay dahil sa tinamong mga tama ng bala sa iba’t ibang bahagi ng kanyang katawan.

Samantala, sugatan at kapwa nasa maayos nang kondisyon sa naturan ding pagamutan sina Allen Derick Pascual, 25, at Robin Jacinto, 13, na kapwa residente rin ng naturang lugar.

Nakatakas naman lulan ng isang hindi naplakahang motorsiklo ang dalawang lalaking salarin, na kapwa nakasuot ng itim na jacket at pantalon.

Batay sa ulat ng Manila Police District (MPD)-Homicide Section, dakong alas-5:50 ng hapon nang maganap ang krimen sa tapat ng isang panaderya sa Hermosa St., Tondo.

Ayon sa saksi, kasalukuyan silang nag-uusap ng biktima nang bigla na lang dumating ang mga salarin. Bumaba ng motorsiklo ang isa at mula sa likuran ay kaagad na pinagbabaril ang biktima, na ikinasawi nito.

Minalas namang tamaan ng ligaw na bala ang dalawa pang biktima, na nagresulta sa kanilang pagkasugat.

Show comments