MANILA, Philippines — Arestado na ng mga tauhan ng Quezon City Police District (QCPD) ang suspek sa pagpatay kay Land Transportation Office (LTO) Registration Division chief Mercedita Gutierrez.
Matapos ang ginawang pagpatay kay Gutierrez, agad bumuo ng Special Investigation Task Group ang QCPD at sa loob ng 24 oras ay nadakip sa kanilang follow-up operation ang suspek na kinilala lang sa alyas “Danny”.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief, Jean Fajardo ang nalaglag na belt bag ng baril ng suspek na nakuha sa crime scene ang naging daan sa pagkakaaresto nito.
Ang belt bag ay naglalaman ng OR/CR ng motorsiklo na ginamit sa pag-ambush kay Gutierrez.
Ani Fajardo si alyas Danny ay positibong kinilala ng mga saksi na nanambang kay Gutierrez.
Patuloy na iniimbestigahan ang motibo sa likod ng krimen habang kasama sa sinisilip ng pulisya ang posibilidad na may kaugnayan ito sa trabaho at personal na galit sa biktima.
“We are not discounting the possibility na may nag-utos at hindi isinasara kung may nag-utos o member ng gun for hire,” dagdag pa ni Fajardo.
Magugunita na nitong Biyernes ng gabi nang tambangang at pagbabarilin ang nasabing LTO official sa panulukan ng Kamias St at K-H St. sa Quezon City.