Pulis na humarang, nagbanta sa Joyride rider, 1 pa inaresto
MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang pulis makaraang ireklamo ng pananakot ng isang Joyride rider at angkas nito kahapon ng madaling araw sa Quezon City.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, PBGen. Redrico Maranan ang suspek na si PCpt. Elario Loyosen Wanawan, 46, nakatalaga sa District Mobile Force Battalion (DMFB), tubong Cagayan Valley at residente ng Lot1 Block 4, Villa Reform Phase 1, Barangay 167, Caloocan City.
Sa pahayag ng mga complainant na sina Celso Aclan Banaira, 48, Joyride rider at Patricia Tagorda Respall, 23, meat checker, nangyari ang insidente dakong alas-4 ng madaling araw sa Miller St., Brgy. Bungad, Quezon City.
Sa pagsisiyasat ni PMSG Guillermo P Esteban Jr. ng Masambong Police Station (PS-2, QCPD), lumilitaw na binabaybay ng mga complainants ang Miller St. sakay ng Honda Click 160 na may plakang UNW 372 nang biglang harangin ng lasing na si Wanawan na sakay ng kayang Yamaha SZ.
Pinababa ng pulis ang dalawa at inutusan si Banaira na buksan ang compartment ng motor na hindi naman sinunod ng huli.
Nagalit ang pulis at sinabihan si Banaira ng “BABARILIN KITA!! BUKSAN MO IYAN!!” habang nakahawak sa kanyang beywang na kinalalagyan ng baril.
Muling sinuway ni Banaira ang sinabi ng pulis kaya muling nagsalita ang huli ng “PULIS AKO!! BUKSAN MO IYAN, BABARILIN KITA!!”.
Dahil sa takot, napilitan si Banaira na buksan ang compartment subalit hindi pa rin sila pinaalis ng pulis.
Ilang motorista lamang ang nakapansin sa komosyon kaya nakahingi ng saklolo ang mga complainants sa barangay.
Agad na binitbit nina PMSG Johnny Tabuyo at Pat Arjhay Jotojot si Wanawan at dinala sa QCPD Forensic Unit-Kamuning para sa alcohol breath examination.
Sasampahan ng kasong threat ang pulis sa piskalya.
- Latest