MANILA, Philippines — Tatlong magkakaanak kabilang ang isang menor-de-edad ang nadiskubreng kapwa patay matapos silang igapos, sakalin, pagpapaluin, katayin at pasakan pa ng damit ang bibig ng live-in partner ng isa sa mga biktima, sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Pulang Lupa Dos, Las Piñas City, Sabado ng hapon.
Sa ulat ng Las Piñas City Police Station, ang mga biktima ay kinilalang sina Mary Jean Bula Avellana, Human Resources (HR) personnel ng Easy Shop; Nathalie Jane Bula Cabintoy, 19 anyos, estudyante, at Oliver Bula Bautista, 11-anyos, estudyante, pawang residente ng No. 2190 Saint Charles St., Saint Joseph Subdivision, Brgy. Pulanglupa Dos, Las Piñas City.
Nadiskubre lamang ang mga bangkay bandang ala-1:34 ng hapon ng Mayo 18, 2024 nang magtungo ang isang Princess Rabanilla Kanagy, residente ng F10 Saint Matthew St., St. Joseph, sakop din ng naturang barangay, sa bahay ng mga biktima.
Tinunton umano ni Princess, kapatid ng suspek, kung saan nagmumula ang masangsang na amoy at nadiskubre sa silid kung saan nasorpresa sa nakitang mga bangkay.
Ipinaalam niya ito sa mga kamag-anak ng mga biktima at ini-report sa barangay at sa CAA Police Sub-station.
Sa pagresponde nina P/Capt. Francisco Guevarra at apat na tauhan, nakita ang mga biktima na pawang nakahiga at wala nang buhay.
Nagsagawa na ng imbestigasyon sina P/Master Sgt Beejay Molina, P/Staff Sgt. Larry Reparejo at P/Cpl. Billy Caesar Tagle at ipinroseso na rin ang technical aspect sa lugar ng forensic unit.
Kabilang sa mga ebidensyang gagamitin sa pagsusulong ng kaso ang isang kumot na nakapulupot sa leeg ng biktimang si Mary Jean, isang kulay green na sandong pambata na nakuhang nakabusal sa bibig ni Nathalie Jane; isang sublimation shirt na may bahid ng dugo; isa pang t-shirt na puti na may bahid ng dugo, isang puting kurtina na may bahid ng dugo, bahagi ng isang putol na canvas na may bahid ng dugo; dalawang scotch tape na nakagapos sa mga kamay at paa ng biktmang si Nathalie Jane, cutter knife; kahoy na may habang 56 sentimetro na napupuluputan ng polka dots na damit, na pinaniniwalaang murder weapon.
Nakunan din ng salaysay ng mga kapatid ng mga biktima at isang kapitbahay, na nagsabing huling nakita ang tatlo noong Mayo 15, 2024.
Agad namang iniutos ni National Capital Region Police Office (NCRPO) chief, P/ Major General Jose Melencio Nartatez Jr. ang manhunt sa natukoy na posibleng suspek sa karumal-dumal na krimen.
Sa follow-up operation, alas-10:00 ng gabi, ilang oras matapos madiskubre eng krimen, nadakip ng mga tauhan ng Las Pinas Police, ang suspek na kinilalang si Vincent Karagy, live-in partner umano ng biktimang si Mary Jean Avellana.
Kasama sa operasyon ng pag-aresto sina P/Capt. Guevarra at P/Col. Sandro Tafalla, chief of police ng Las Piñas City Police Station.
Nakatakda siyang isalang sa inquest proceedings sa 3 counts of murder sa ilalim ng Article 248 ng Revised Penal Code.
Crime of passion ang isa sa tinitingnang motibo sa insidente.