Habang naglalakad sa UP
MANILA, Philippines — Isang opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) ang nasawi matapos na bumagsak habang naglalakad sa may tennis court sa University of the Philippines campus kahapon ng umaga sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa UP Health Service Infirmary ang biktimang si C/Supt. Vonrad Fernando Benemerito Dobluis, 54, may asawa, at nakatalaga sa Office of the Director for Logistic ng BFP, at stay-in sa BFP National Headquarters sa Quezon City.
Sa report ng Anonas Police Station 9 ng QCPD, alas- 7:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa oval ng UP Diliman Campus, sa harapan ng tennis court sa Brgy. UP Campus ng lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni PMSgt. Francis Xavier Manalo, habang naglalakad umano ang opisyal kasama ang tauhan niyang si SFO2 Donald Guzman Guillermo, 40, sa oval ng UP Diliman Campus nang bigla na lamang umanong bumagsak ang una. Agad siyang isinugod sa UP Health Service Infirmary, ngunit idineklara nang patay ng kanyang attending physician na si Dr. Alica Panganiban.
Bunsod ng init ng panahon, tinitingnan ng pulisya na posibleng atake sa puso o heat stroke ang dahilan ng pagkamatay ng biktima.
Nagsasagawa pa rin imbestigasyon ang pulisya sa insidente.