May-ari ng puno, pinatay ng kapitbahay

Sa ulat ng Binangonan Municipal Police, dead-on-the-spot ang ‘di pinangalalang biktima habang ang suspek ay hinahanting pa ng awtoridad matapos tumakas sakay ng motorsiklo.
STAR/ File

Dahil sa pinitas na mangga

MANILA, Philippines — Patay sa saksak ang isang mister na nanita sa kapitbahay na may anak na namitas ng mangga sa kaniyang puno, sa Bina­ngonan, Rizal, umaga ng Sabado.

Sa ulat ng Binangonan Municipal Police, dead-on-the-spot ang ‘di pinangalalang biktima habang ang suspek ay hinahanting pa ng awtoridad matapos tumakas sakay ng motorsiklo.

Sa inisyal na imbestigasyon, naganap ang insidente dakong alas-11:00 ng umaga ng Mayo 18, 2024 sa Sitio Sapa, Madrigal Village, Barangay Palangoy, Binangonan, Rizal.

Natanggap lamang ng Binangonan Municipal Tactical Operation Command ang tawag mula kay Brgy. Councilor Jojo Picones hinggil sa insidente ala-1:00 ng hapon kaya hindi na dinatnan ang suspek sa lugar.

Nabatid na una nang ikinagalit ng biktima ang diumano’y pagnanakaw ng bunga ng kanyang punong mangga ng anak ng suspek.

Nang makita naman ng suspek na naglalakad ang biktima ay nilapitan ito at ilang ulit na tinarakan ng patalim ang leeg na agad na ikinabulagta ng biktima.

Ang suspek na nakasuot lamang ng itim na shorts at walang pang-itaas ay sumakay ng MIO 125 na kulay green at puti at tumakas sa hindi natukoy na direksyon.

Show comments