MANILA, Philippines — Inanunsiyo ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) na isang Caviteño ang pinalad na magwagi ng P74.7 milyong jackpot prize ng Lotto 6/42 na binola kamakalawa ng gabi.
Ayon sa PCSO, nahulaan ng mapalad na mananaya ang winning combination na 11-23-05-22-24-03 kaya’t naiuwi niya ang katumbas nitong jackpot prize na tumataginting na P74,759,118.80.
Nabili umano ng lucky winner ang kanyang lucky ticket sa Dasmariñas City.
Pinayuhan naman ni PCSO General Manager Mel Robles ang lucky winner na upang makubra ang kanyang premyo ay magtungo lamang sa kanilang punong tanggapan.
Kailangan din umano nitong iprisinta ang kanyang winning ticket at dalawang balidong government IDs.
Ang Lotto 6/42 ay binobola ng PCSO tuwing Martes, Huwebes at Sabado.