3 staff ng ospital sa ‘palit-ulo’, pinaaaresto ng korte

Sa pangunguna ni Mayor WES Gatchalian, tampok sa isinagawang press conference ngayong araw May 10, 2024 sa Valenzuela City Hall ang dalawa pang biktima ng "Palit Ulo Scam" sa isang pribadong ospital sa Lungsod Valenzuela.
Valenzuela City Facebook Page

MANILA, Philippines — Pinaaaresto na ng korte ang tatlong medical staff ng ACE (Allied Care Experts) Medical Center sa Valenzuela, bunsod ng reklamong inihain ng biktima ng  “palit-ulo”.

Sa arrest warrant na inisyu ni Valenzuela Metropolitan Trial Court Branch 109 Judge ­Marita Iris Laqui Genilo, pinaaresto sina  Maria Cristina Eugenio, Raymond Masaganda, at Samuel Delos Santos, pawang mga hospital staff ng ACE Medical Center bunsod ng kasong “Slight Illegal Detention” na inihain ni Lovery Magtangob.

Kinailangan ni Magtangob na manatili sa nasabing ospital habang ang kanyang kapatid na lalaki ay naghahanap ng pambayad nang mamatay ang misis ng huli na si Rhodalyn Santos.

Umabot sa P777,378 ang hospital bill ni Santos na hipag ni Mangtangob. Bunsod nito, ikinukulong sila habang hindi nababayaran ang bill. Tumanggi rin ang ACE Medical Center na ilabas ang death certificate ng pasyente hanggat ‘di sila nakakabayad nang buo.

Magugunita na nitong Abril 3, 2024, lumantad si Magtangob kasama ang isa pang biktima ng palit-ulo na si Richel Alvero kina Valenzuela Mayor Wes Gatchalian at Councilor Atty. Bimbo dela Cruz ng LAMP Sinag upang isiwalat ang kanilang sinapit na panggigipit sa nasabing ospital.

Nabatid na namatay rin ang asawa ni Alvero at hindi siya pinayagan na makalabas at makapunta sa burol nito. Serious illegal detention naman ang isinampa ni Alvero sa tatlong hospital staff.

Nitong Biyernes, dalawa pang biktima ng palit-ulo ng  ACE Medical Center ang lumutang at  inilahad ang kanilang sinapit.

Tulad nina Magta­  ngob at Alvero, nakaranas din sila Nerizza Zafra at Cheryluvic Ignacio ng panggigipit at “palit ulo” ng ACE Medical Center.

Nanganak si Zafra sa ospital habang na-confine naman sa COVID-19 si Ignacio. Ayon sa dalawa, labis na trauma at galit ang kanilang naramdaman.

Show comments