Strip cavity search sa BuCor pinatigil ni Catapang
MANILA, Philippines — Pinatigil ni Bureau of Corrections (BuCor) Director Gregorio Pio Catapang Jr. ang strip cavity search sa lahat ng prison and penal farm habang hinihintay pa ang resulta ng imbestigasyon at magbibigay daan sa pagrepaso ng protocols at procedures.
Ang desisyon ay nabuo matapos ang pulong nitong Biyernes ng BuCor officials sa pangunguna ni Catapang.
Gayunman, nilinaw ng BuCor na ang strip search at pagpapa-squat lamang ang ihihinto at tuloy pa rin ang frisking o pagkapkap sa mga dalaw.
Sinabi ni Catapang na welcome ang Commission on Human Rights (CHR) na maaaring magrepaso sa mga itinatag na protocol at pamamaraan na ipinapatupad ng ahensya sa mga kulungan at penal farm nito.
“If this will further improve our services to our stakeholders and the public, any technical assistance that the CHR may extend to us will be very welcome,” ani BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr.
Sinabi ni Catapang na nagpadala siya ng liham kay Focal Commissioner for Prevention Commission on Human Rights, Atty. Faydah Maniri Dumarpa, upang tiyakin sa kanya na ang BuCor ay kaisa sa layunin sa pagtataguyod ng karapatang pantao at ito ang dahilan kaya ginagawa ang ‘searches’ sa private cubicles ng parehong gender searchers, na sumusunod sa standards ng hygiene at sanitation.
Dagdag ni Catapang, pinapaliwanagan sa mga bibisita ang gagawing body search gayundin ang waiver of right.
Sa mga ayaw dumaan sa nasabing protocol ay mapupunta sila sa electronics visit o “e-dalaw” habang ang mga menor de edad naman ay hindi kasama sa strip searches.
Ang nasabing sistema o protocol ay dati na umanong ipinatutupad bago pa man umupo si Catapang at alinsunod ito sa Mandela Rules.
Ibinunyag pa ni Catapang na may 19 na ang kaso ng pagkakasamsam nila ng mga kontrabando na itinago sa “genital parts” at 15 insidente ng pagkumpiska ng iligal na droga at iba pang kontrabando.
Sa reklamo naman nina Maricel Alcántara at Gloria Almonte, na naganap noong Abril 21, 2024, nasibak na ang mga lady searchers para bigyang-daan ang imbestigasyon.
Samantala, nasa 195 na PDLs ang napalaya mula Mayo 1 hanggang Mayo 10, 2024, sa kabuuang 13,836 sa administrayon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
- Latest