Crisis center para sa mga kababaihan, bata sa Las Piñas pinasinayaan

MANILA, Philippines — Pormal nang binuksan ng pamahalaang Lungsod ng Las Piñas City ang kauna-unahang Crisis Center for Women and their Children, na matatagpuan sa Aira Street, Santa Cecilia Village, Barangay Talon Dos.

Pinangunahan nina Las Piñas Mayor Imelda T. Aguilar at Vice Mayor April Aguilar kasama ang mga department heads ang pagpapasinaya sa crisis center na layong tulungan at pagkalooban ng mga pangangailangan ang mga kababaihan at kanilang mga anak na dumanas ng karahasan at mga pang-aabuso ng kalalakihan sa komunidad at mula sa sariling pamilya.

Nabatid na ang crisis center ng Las Piñas ay 24-hour residential care facility, mayroong 20 bed capacity para sa mga kababaihang may edad 18 hanggang 59, na biktima ng gender-based violence katulad ng pag-aabandona, pang-aabuso, pagmamaltrato, at pagsasamantala.

Ayon sa alkalde, pagtutulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at ng Pamahalaang Lungsod ang pagbibigay ng pansamantalang matutuluyan, counseling, psychosocial services, recovery, rehabilitation program at livelihood assistance sa mga biktima.

Anang alkalde, ang konstruksiyon ng nasabing pasilidad ay isa sa mga indikasyon sa  pagkakamit ng Las Piñas City ng Seal of Good Local Governance na nasa ilalim ng Social Protection of the Seven Governance areas sa performance assessment tool.

Batay sa ulat, ang lungsod ay nakapagtala ng 1,945 na mga kaso ng Violence against ­Women and their Children (VAWC) noong 2022 habang 1,887 naman noong 2023.

Kabilang sa mga makukuhang programa at serbisyo mula sa cen­ter ay ang treatment and rehabilitation program, group life and home care program, health and nutrition program, livelihood skills training program,social services, homelife services, health services, legal services, recreational and other cultural activities, spi­ritual enrichment,modular session for women,self-enhancement skills development, gender sensitivity sessions at iba pang pangangalagang serbisyo para sa mga bata.

Sinabi naman ni Vice Mayor April na umiiral ang City Ordinance No.1276-15 series of 2016, ang ordinansang nagsabatas sa gender and development (GAD) code na nagpapalakas sa implementasyon ng GAD programs at iba pa nitong layunin.

Ang pananatili ng biktima sa crisis center ay maaaring tumagal ng anim na buwan hanggang isang taon depende sa assessment ng social worker ayon sa intervention plan.

Show comments