MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief PGen. Rommel Francisco Marbil na hinihintay lamang nila ang “guidance” mula sa Civil Service Commission (CSC) kaugnay ng pagpapatanggal ng mga tattoo ng mga pulis.
Ayon kay Marbil, pansamantalang ipinatigil ang naturang hakbang dahil sa posibleng negatibong epekto sa kalusugan ng pagpapatanggal sa mga tattoo.
Kasabay nito, sinabi ni Marbil na hindi niya ipinag-utos ang pag-imbentaryo sa mga pulis na may tattoo dahil ayaw niya na magkaroon ng diskriminasyon sa kanilang hanay.
Paliwanag ng PNP chief, wala pa namang polisiya ang PNP tungkol sa mga tattoo kaya isinangguni nila sa CSC ang isyu.
Mas makabubuti kung manggaling sa CSC ang kautusan upang maiwasan ang anumang argumento.
Matatandaan na una nagpaalala ang PNP hinggil sa pagbabawal sa pagpapatattoo, subalit agad ding binawi .
Gayunman, binigyang-diin ng PNP chief na kailangang kagalang-galang ang itsura ng mga pulis para respetuhin ng mamamayan.