4 pang opisyal ng PNP, binalasa

MANILA, Philippines — Nagpatupad ng balasahan sa ikaapat na pagkakataon si Philippine National Police (PNP) chief PGen. Rommel Francisco Marbil sa ilang opisyal, ngayong buwan ng Mayo.
Ililipat ng puwesto sina Police Major General Bernard Banac na mula sa pagiging Director ng Special Action Forces (SAF) ay pamumunuan ang Directorate for Police Community Relations (DPCR).
Magiging acting Director naman ng SAF si Police Brig. General Mark Pespes na dating Director ng Southern Police District (SPD).
Si Police Col. Leon Victor Rosete naman ang papalit kay Pespes bilang acting director ng SPD habang si PBrig. General Dindo Reyes ang itatalaga bilang bagong director ng PNP Retirement and Benefits Adminstration Service (PRBS).
Matatandaang nauna nang ipinaliwanag ni Marbil na ang balasahan ng mga senior officer ng kapulisan ay kinakailangan dahil sa marami ang nagreretiro.
“Hindi naman talaga gusto natin ‘yung palit palit. Ang ginagawa lang natin inaayos natin kasi marami pong nag-retire sa amin and we are trying to preposition them para sa next assignments. It doesn’t mean na tinanggal natin hindi sila working. Kailangan lang po sila ilipat kasi ito ‘yung dapat na position para sa kanila pero wala kaming major reshuffle,” ani Marbil.
- Latest