MANILA, Philippines — Ipinag-utos ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr. ang imbestigasyon sa iniulat na reklamong inihain ng mga asawang political prisoners nang isailalim sila sa “strip search” sa kanilang pagbisita kamakailan sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Kasabay nito, bukas ang ahensya kung sila ay iimbestigahan para malinawan ang posisyon ng BuCor sa mga usapin na may kinalaman sa pagbisita sa persons deprived of liberty (PDLs), ani Catapang na kasalukuyang nasa Malaysia na dumadalo sa isang summit.
Paliwanag ni Catapang, mahigpit na ipinapatupad ang strip search sa lahat ng operating prison at penal farm ng ahensya kasunod ng pagdami ng mga bisitang nahuling nagpupuslit ng mga kontrabando na inilagay sa “private parts”.
Ibinunyag ni CCInsp Roger Boncales, acting superintendent ng NBP sa kanyang ulat kay Catapang na dapat ipatupad ang “strip search” sa lahat ng bisita ng mga PDL dahil napatunayang hindi epektibo ang random search at frisk search.
“Dumarami ‘yung gustong magpasok ng kontrabando at kung saan-saang parte ng katawan nila itinatago, kaya dapat po mas maging mahigpit pa tayo,”ani Boncales.
Mula Oktubre 2023 hanggang nitong nakalipas na Marso ay nakapagtala na ng 30 insidente ng mga bisitang nagpupuslit ng iligal na droga at sigarilyo na ipinapasok sa ari at ang iba ay nakatahi pa mismo sa underwear, upang maitago.
“We have to be strict, without fear or favor in the implementation of strip search, otherwise we will negate in our responsibility of protecting our PDLs and if we exempt an individual, we might be accused of giving VIP treatment,” paliwanag ni Catapang.