Sa ‘serious illegal detention’ ni Vhong Navarro
MANILA, Philippines — Ibinunyag ni Bureau of Immigration (BI) Commissioner Norman Tansingco na si Ferdinand Guerrero, isa sa mga convicted sa kasong serious illegal detention for ransom na inihain ng aktor at TV host na si Vhong Navarro, ay mayroong aktibong derogatory record.
Ibinahagi ni Tansingco na sa beripikasyon sa rekord ng BI, nabunyag na si Guerrero ay mayroong active alert list order, na nag-ugat sa isang warrant of arrest na inisyu ng Pasig City Regional Trial Court noong Abril 2014.
Ayon kay Tansingco, sakaling si Guerrero ay makaengkwentro sa alinmang port, siya ay kaagad na iti-turn over sa pulisya, na siyang magsisilbi ng warrant.
Bukod sa alert list, si Guerrero ay subject din ng active immigration lookout bulletin, na inisyu noong 2014.
“So far we have no record of any recent travel,” ani Tansingco. “Any future attempts to depart will be stopped as his name is already in our records.”
Si Guerrero ay isa sa apat na convicted sa kasong isinampa ni Navarro.
Sa desisyon ng Taguig Regional Trial Court na inilabas noong Mayo 2, hinatulang guilty sa kasong illegal detention sina Guerrero, kasama sina Cedric Lee, Deniece Cornejo, at Simeon Raz dahil sa kasong isinampa sa kanila ni Navarro.
Nakapiit na sina Lee, Cornejo at Raz, habang nakalalaya pa si Guerrero na ngayo’y wanted na sa batas. Nag-ugat ang kaso sa isang insidente noong 2014 kung saan ginulpi nina Lee si Navarro matapos na akusahang ginahasa si Cornejo.