MANILA, Philippines — Ilang traffic adjustments ang ipatutupad ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa EDSA-Kamuning area (southbound) kasunod ng inspeksyon at traffic assessment nitong Huwebes, sa gitna ng pagsasara ng flyover.
Sinabi ni MMDA Acting Chairman Don Artes na hindi na papayagan ang mga motorsiklo sa EDSA-Kamuning service road simula ngayong Biyernes, Mayo 3, ngunit sa halip ay gagabayan sila sa mga alternatibong ruta tulad ng Scout Borromeo, Panay Avenue, Mother Ignacia Avenue, at Scout Albano.
“This move is to lessen the traffic on Kamuning service road. All vehicles, including motorcycles, are urged to use the alternate routes,” ani Artes.
Kasama ni Artes sa ginawang inspeksyon at assessment sina Department of Public Works and Highways (DPWH) Regional Director (NCR) Loreta Malaluan at iba pang opisyal ng DPWH, at mga kinatawan mula sa pamahalaan ng Quezon City. Naobserbahan nila kahapon na nagiging mabagal ang daloy ng trapiko sa service road ng EDSA-Kamuning flyover.
Magpapakalat din ng mga karagdagang traffic enforcer para mas mapamahalaan at magabayan ang mga dumaraang motorista at iba pang gumagamit ng kalsada. Maglalagay din ng mas maraming directional at traffic signages para gabayan sila sa mga natukoy na alternatibong ruta, ani Artes.
Hihilingin din ng ahensya sa Department of Transportation (DOTr) para sa mga EDSA carousel bus na gamitin ang service road araw-araw simula alas-11:00 ng gabi ng biyernes upang matiyak ang tuluy-tuloy na retrofitting sa flyover.