MANILA, Philippines — Nagkasa muli ng transport strike ngayong araw, Mayo 2, ang grupong Manibela bilang suporta sa ginawang 3-araw na rally ng PISTON laban sa Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) ng pamahalaan.
Ang pagdaraos ng panibagong strike ay isasagawa ng grupo, kasunod ng pagtatapos ng 3-araw na nationwide transport strike na idinaos ng grupong Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Opereytors Nationwide (PISTON) at iba pang labor groups mula Abril 29 hanggang Mayo 1.
Ayon kay Mar Valbuena, lider ng Manibela, hindi pa rin sila nawawalan ng pag-asa na pakikinggan ni Pang. Ferdinand Marcos Jr. ang kanilang panawagan na itigil ang pagpapatupad ng PUVMP.
Pormal nang nagtapos ang PUV franchise consolidation deadline na unang bahagi ng PUVMP noong Abril 30.
Una na ring nagbabala ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ang mga jeepneys na bigong tumalima sa konsolidasyon ng prangkisa na ikokonsidera na silang kolorum sa pagtatapos ng naturang deadline.
Nabatid na sisimulan na umanong hulihin ng LTFRB ang mga kolorum na sasakyan sa ikalawang linggo ng Mayo at papatawan ng kaukulang penalties.
Una nang sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na sa ngayon ang mga consolidated na jeep na road worthy ay hahayaan na makapasada pero sa ikatlong taon nang implementasyon ng PUV Modernization sa taong 2027, ang mga consolidated jeep na may 15 years old at pataas ay ia-adopt ang pag-modernized sa sasakyan para makapasada.
Aniya may 82 percent ng mga pampasaherong sasakyan ang nag-consolidate na sa buong bansa para sa PUV modernization.