Joyride rider tinangayan ng motor, itinulak pa sa bangin

Nasagip naman at nasa maayos nang lagay ang biktimang itinago sa pangalang ‘Ian,’ 44, rider din ng Grab at residente ng Marilao, Bulacan.
Philstar.com / Irish Lising

MANILA, Philippines — Isang Joyride rider ang sugatan matapos na tangayan ng sasakyan ay itinulak pa sa bangin ng kanyang mga “pasahero” sa Antipolo City, Rizal kahapon ng umaga.

Nasagip naman at nasa maayos nang lagay ang biktimang itinago sa pangalang ‘Ian,’ 44, rider din ng Grab at residente ng Marilao, Bulacan.

Samantala, pinaghahanap na ng mga awtoridad ang tatlong ‘di kilalang salarin na tumakas tangay ang kulay brown na Toyota Innova ng biktima, na may plakang ABR-9972.

Batay sa ulat ng Antipolo City Police, dakong alas-6:00 ng umaga nang maganap ang insidente sa Sitio Painuman, sa Brgy. Inarawan, Antipolo City.

Base sa salaysay sa pulisya ni Patrick, kapatid ng biktima, lumilitaw na nagpa-booked ang mga suspek sa Joyride Apps at nagpahatid sa biktima mula sa Diokno Avenue, sa Pasay City hanggang sa Sta. Ana, Manila.

Gayunman, pagdating sa tapat ng Sta. Ana Church ay bigla na lang umanong nagdeklara ng holdap ang mga suspek.

Puwersahan umanong kinuha ng mga suspek ang sasakyan at dinukot din ang biktima. Pagdating sa Sitio Painuman, Brgy., Inarawan, sa Antipolo City ay pinababa ng mga suspek ang biktima at saka siya itinulak sa bangin at doon inabandona.

Show comments