MANILA, Philippines — Patay ang isang empleyado ng water station makaraang pagbabarilin ng ‘di nakilalang suspek habang ang biktima ay sakay ng kaniyang L300 Van at bumabagtas sa Brgy. Saimsim, Calamba City, Laguna.
Dead-on-the-spot sa loob ng kaniyang sasakyan ang biktimang kinilalang si Elmer Sena, nasa hustong gulang at empleyado ng Pyton Spring Product, isang water station.
Sa ulat ng pulisya, alas-2:30 ng hapon nang maganap ang insidente habang minamaneho ng biktima ang kaniyang puting Mitsubishi L300 na may plakang NGK 5827 at bumabagtas sa nasabing lugar galing sa pinagtatrabahuan nitong water station.
Palabas na umano ng main road ang biktima nang harangin ng armadong suspek at sunud-sunod na pinagbabaril saka mabilis na tumakas ang huli sakay ng Yamaha Nmax na kulay itim.
Wala pang malinaw na motibo sa naganap na krimen.