MANILA, Philippines — Bunsod ng mas tumitindi pang init ng panahon, pinalawig pa ng Valenzuela LGU ang pagpapatupad ng adjusted class schedule sa mga paaralan sa lungsod.
Ayon sa Valenzuela LGU, ito’y batay sa rekomendasyon ng LDRRMC, Schools Division Office-Valenzuela, VALAPSA, SPTA, at mga pamunuan ng PLV at ValTech.
Nabatid sa Valenzuela LGU, simula sa April 29 ay hahatiin sa Group A at B ang klase sa pampublikong paaralan mula kinder hanggang Grade 12.
Ang Group A ay papasok ng F2F classes mula 6am-10am tuwing Lunes at Martes at asynchronous naman pagsapit ng Miyerkules hanggang Biyernes habang ang Group B naman ay may F2F classes sa kaparehong oras tuwing Miyerkules at Huwebes at asynchronous naman pagsapit ng Biyernes hanggang Martes.
Para sa mga estudyante ng private school, paiiralin ang F2F classes tuwing Lunes at Martes at asynchronous naman pagsapit ng Miyerkules hanggang Biyernes.
Para naman sa Pamantasan ng Lungsod ng Valenzuela (PLV), Valenzuela City Technological College (ValTech), at mga pribadong kolehiyo at unibersidad, ang desisyon ukol sa pag-adjust ng iskedyul ay ipauubaya na sa kanilang mga pamunuan.