MANILA, Philippines — Magdaraos ang Manila City Government ng job fair para sa mga manggagawa, kasabay ng pagdiriwang ng Araw ng Paggawa o Labor Day sa Mayo 1.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan, ang naturang “2024 Labor Day Job Fair” ay isasagawa nila mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-3:00 ng hapon sa San Andres Sports Complex sa Malate.
Inaasahan aniya nilang aabot sa 65 local employers ang lalahok sa nasabing job fair na mag-aalok ng hanggang 9,000 job vacancies para sa mga job seekers.
Bukod pa aniya ito sa gagawing “KADIWA ng Pangulo”, TESDA Skills Demonstration at pagtatayo ng isang one-stop-shop para matulungan ang mga prospective jobseekers sa kanilang kinakailangang dokumento, kabilang dito ang SSS, Pag-Ibig, PhilHealth, BIR, Manila Police District, NBI, OWWA, DTI at PSA.
Sinabi ng alkalde na ang job fair ay isasagawa sa pamamagitan ng kanilang Public Employment Service Office (PESO), na pinamumunuan ni Fernan Bermejo, sa kooperasyon ng Department of Labor and Employment - National Capital Region (DOLE-NCR).
Samantala, pinayuhan ni Bermejo ang mga aplikante na magdala ng hanggang 10 kopya ng kanilang resume o biodata, sariling ballpen at inuming tubig at pamaymay upang protektahan ang kanilang sarili laban sa init.