Southbound lanes ng EDSA-Kamuning flyover isasara
MANILA, Philippines — Inanunsyo nitong Lunes ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) na kanilang isasara ang southbound na bahagi ng EDSA-Kamuning flyover sa Quezon City simula Mayo 1 at tatagal ito ng anim na buwan.
Sisimulan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang by-phase retrofitting ng EDSA- Kamuning flyover southbound sa Abril 25 upang palakasin ang tulay at maiwasan ang karagdagang pinsala bilang preventive measures laban sa mga natural na kalamidad tulad ng lindol. Dagdag pa, inaasahang ganap itong magbubukas sa trapiko ng sasakyan sa Oktubre 25.
Ang pagsasaayos ng Kamuning flyover ay isang makabuluhang hakbang sa pagsisikap ng gobyerno na i-rehabilitate ang mga istruktura bilang paghahanda sa “The Big One” sakaling mangyari ito, ayon sa MMDA..
Sa isang press conference, pinayuhan ni MMDA Acting Chairman Don Artes ang mga motorista na iwasan ang nasabing lugar dahil ang re-decking works ay aabot ng isa’t kalahating lane ngunit mananatiling accessible para sa mga bus sa Edsa Carousel.
Pinag-aaralan na rin aniya, kung maaaring magamit ng emergency vehicles sa busway ng flyover “on a case-to-case basis”.
Bago naman simulan ang partial closure, magsasagawa muna ng mas pinaigting na clearing operations ang MMDA upang walang nakahambalang sa mga alternatibong ruta, sa pakikipag-ugnayan sa Department of Transportation (DOTr), PNP-HPG, Quezon City LGU, at nakakasakop na barangay.
- Latest