Kinuyog ng 11 kabataan
MANILA, Philippines — Patay ang isang 17-anyos na binatilyo habang isa pa ang sugatan nang magrambulan ang grupo ng mga kabataan na ikinaaresto ng 10 katao kabilang ang pitong menor-de-edad kamakalawa ng madaling araw sa Quezon City.
Dead-on-arrival sa Quirino Memorial Medical Center ang biktima na kinilalang si Mharnel dela Cruz, residente ng No. 33-D Evangelista, St. Brgy. Tagumpay, Quezon City habang ginagamot sa naturang ospital ang kasamahan na si alyas “Tony”, 16.
Nasa kustodiya naman ng pulisya ang mga sangkot sa rambol na sina Roy Andrew Rectin, 19; Shan Calupitan, 18; Francis Gonzales, 18 at mga menor-de-edad na sina alyas “Patrick”, 16; “Seatiel”, 14; “John”, 14; “Onnie”, 16; “Jess”, 16; “Kieffer”, 16; “Avinash”, 15; habang nakatakas ang isang “Almar”, 17.
Sa imbestigasyon ni PCpl. Jojo Antonio ng Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), nangyari ang insidente dakong alas-12:30 ng madaling araw sa Aurora Blvd, Barangay Quirino 3-A ng lungsod.
Nabatid na may kausap na grupo ng kabataan ang mga biktima sa naturang lugar nang lumapit ang grupo ng mga suspek na humantong sa suntukan at rambulan.
Gamit ang barbecue stick at kutsilyo, sinaksak nina alyas Patrick at Seatiel ang biktimang si Dela Cruz sa iba’t ibang bahagi ng katawan habang pinagpapalo naman ng silya si alyas Tony na ikinasugat nito.
Pinagtulungan ng mga suspek ang mga biktima hanggang sa rumesponde na ang ilang tauhan ng barangay at tauhan ng Anonas Police Station na ikinadakip ng 10 katao habang nakatakbo ang isa pa.
Inihahanda na ang kaso laban sa mga suspek.