Babae napigilan sa pagtalon sa bintana ng hotel
MANILA, Philippines — Isang 18-anyos na babae ang napigilan sa tangkang pagpapakamatay nang tangkaing tumalon sa bintana ng isang hotel sa Quiapo, Maynila, kahapon ng umaga.
Itinago sa alyas na Princess ang nasagip na residente ng Upper Bicutan, Taguig City.
Naisalba siya ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD) makaraang agad na maka-pagresponde.
Sa ulat ng Barbosa Police Station, dakong alas-9:56 ng umaga nang maganap ang insidente sa Winter Hotel sa Hidalgo St., Quiapo.
Nabatid na habang nag-iikot ang tauhan ng Tactical Motorcycle Riding Unit (TMRU), naagaw ang kanilang atensyon sa babaeng nasa bintana ng hotel na nagtatangkang tumalon kaya itinawag ito sa nakasasakop na police station.
Agad na nakaresponde ang mga tauhan ng Barbosa station.
Sa inisyal na imbestigasyon, nakita ang biktima at live-in partner nito na nag-check-in sa nasabing hotel alas-5:33 ng umaga kahapon.
Sa loob umano ng kuwarto nag-away ang dalawa hanggang sa maisipan ni Princess na magpakamatay kung saan tinungo nito ang bintana at tangkang tatalon.
Sa pagkumbinsi ni Col. Estabillo, hindi na itinuloy ng biktima ang pagtalon.
- Latest