MANILA, Philippines — Ibinida ng Las Piñas City ang iba’t ibang pagkain at kakanin na ipinagmamalaki ng lungsod sa ikatlong bugso ng Flavors of NCR Food Festival 2024 na idinaos sa Filinvest City Central Park, Alabang Muntinlupa City nitong Biyernes at ngayong Sabado, Abril 19 at 20.
Ayon kay Las Piñas City Tourism and Cultural Office (LPCTCO) head Paul Ahljay San Miguel na magiging kinatawan ng lungsod para sa food festival ang Bea’s Home of Quality Kakanin and other Native Delicacies, Kainan ni Basty and Jacob, at Mhaneng’s Puto Bumbong na siguradong patok na patok sa panlasang Pinoy at babalik-balikan ng mga bisita at turista.
Ang aktibidad na ito na inorganisa ng Department of Tourism (DoT) at Association of Tourism Officers-National Capital Region (ATO-NCR) ay nagbibigay ng magagandang oportunidad sa pagtatampok ng masasarap na mga pagkain at sariling produkto mula sa 16 na lungsod at isang bayan sa Metro Manila na kinabibilangan ng mga lungsod ng Caloocan, Las Piñas, Makati, Malabon, Mandaluyong, Manila, Marikina, Muntinlupa, Navotas, Parañaque, Pasay, Pasig, Quezon, San Juan, Taguig, Valenzuela, at bayan ng Pateros.
Samantala, nagpaabot naman ng suporta si Mayor Mel Aguilar sa naturang food festival at hinihikayat ang publiko na tangkilikin ang mga masasarap na pagkaing Pinoy at pangalagaan ang mayamang kultura at tradisyon, bilang bahagi ng pagpapalakas ng turismo.