MANILA, Philippines — Nag-abiso kahapon ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa mga motorista kaugnay sa malaking butas o sink hole sa gitna ng kalsada, sa Sales Road, malapit sa Villamor Air Base-Gate 3, bahagi ng Pasay City.
Bandang alas-2:30 ng hapon nang lagyan na ng orange barriers at cones upang hindi na madaanan ng mga motorista.
Ayon sa ulat, alas- 6:00 pa lang ng umaga nang mapansin ang butas na unti-unting bumigay at nagkaroon ng tubig.
Isinara pansamantala ang dalawang lanes habang isinasaayos naman ito ng Department of Public Works and Highways (DPWH).
Hindi pa tukoy kung ano ang sanhi ng pagkakaroon ng malaking butas sa lugar.
Ipinahigop naman ang malinaw na tubig na lumalabas sa hinihinalang butas ng tubo ng isang water concessionaire, at tumulong naman ang Skyway Management.
Tinatayang nasa 10 talampakan ang lalim ng butas na may mga crack sa paligid.
Nakipag-ugnayan na rin ang DPWH sa MMDA para sa rerouting ng mga sasakyan.
Ang ilang barangay naman ang nakaranas ng mahina hanggang sa walang tulo sa kanilang gripo. Nangako naman ang Maynilad na magra-rasyon sila ng tubig hanggang alas-10:00 ng gabi.