MANILA, Philippines — Patay ang isang driver ang pinaniniwalaang inatake sa puso habang nagmamaneho ng cargo truck dahilan upang bumangga ito sa isang SUV at tricycle na nakahimpil sa harapan ng Medical Center Manila (MMC), sa United Nations Avenue, malapit sa kanto ng Taft Ave., Ermita, Maynila, Sabado ng hapon.
Hindi pa binanggit ang pagkilanlan ng biktima na ipinasok pa sa emergency room ng ospital upang lunasan subalit hindi na naisalba.
Sa inisyal na impormasyon, dakong alas-5:00 ng hapon ng Abril 13, nang maganap ang insidente sa nasabing lugar.
Kwento ng pahinante, nagulat siya na habang nagmamaniobra ang kanilang truck nang biglang bumangga ito at huminto at nakita niyang nakasubsob na sa manibela ang driver. Patungo aniya, sila ng Pulilan, Bulacan para magdeliber ng produktong trigo na nagmula sa bodega sa Pajo.
Isang silver color na Fortuner naman ang nawasak ang bumper matapos magitgit ng truck kaya sumampa ito sa planter box ng ospital habang ang tricycle ay nasa nguso naman mismongtruck.
Maswerteng nakatalon ang driver ng SUV, na nagsabing hinihintay niya lamang ang amo na nasa loob ng ospital, gayundin ang tricycle driver na naghatid ng pasyente sa nasabing pagamutan, na napatalon din dahil patungo sa kanyang direksyon ang truck.