‘Magnificent 7’ dedma sa tigil-pasada
MANILA, Philippines — Inihayag ng Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) na ang Magnificent 7, ang malalaking grupo ng transportasyon kung saan sila kabilang ay hindi kasama sa planong tigil pasada ng Manibela at Piston sa Lunes April 15.
Ayon kay ALTODAP president Boy Vargas na kanya ring sinabihan ang Manibela at Piston na hindi na uso ngayon ang transport strike at mag-consolidate na lamang para sa modernisasyon.
Binigyang diin ni Vargas na hindi na dapat pang pahirapan ng mga driver at operator ang mga commuters dahil binigyan naman ang lahat ng hanay ng transportasyon na mag- consolidate at ilang beses na rin itong na extend.
Kaugnay nito, nanawagan din si Vargas sa pamahalaan na kung maaari ay ito na lamang ang magpautang sa mga driver-operator para makabili ng modernized jeep na utay-utay na babayaran pero mayroon naman anya silang 27 buwan makaraan ang consolidation bago ang pagkuha ng modernized jeepney .
Ang Magnificent 7 ay kinabibilangan ng mga jeepney group na Altodap, Fejodap, Pasang Masda, Alliance of Concerned Transport Organization, LTOP at Stop and Go Coalition.