MANILA, Philippines — Muling ihihirit sa pamahalaan ng grupo ng transportasyon na aprubahan na ang P15 minimum fare sa mga tradisyunal na pampasaherong jeep.
Ayon sa Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP), ito ay dulot nang patuloy na pagtataas sa presyo ng petrolyo kung saan nawawala na ng kita ang tsuper sa araw-araw na pasada.
Anila patuloy ang paghina ng kanilang ikinabubuhay dahil sa tuluy-tuloy na pagsirit sa presyo ng mga produktong petrolyo.
Matatandaang nagsimula nang magtaas ng presyo ng petrolyo ang mga kompanya ng langis nitong Martes na aabot sa halos P2 taas kada litro na ito ay pang-walo nang oil price hike at pinakamalaking singil ngayong taon bunsod ng kaguluhan sa middle east at lumalaking demand dito ng malalaking bansa gaya ng India, China, at Amerika.
Sa ngayon, target ng ALTODAP na makipag-ugnayan sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) para ilapit ang kanilang kahilingan.