‘Utak’ sa pagdukot, pagpatay sa Pharma CEO, arestado
MANILA, Philippines — Nadakip ng mga tauhan ng Quezon City Police District -Novaliches Police Station ang umano’y utak sa pagdukot at pagpatay sa isang chief executive officer ng isang pharmaceutical company noong 2022 sa Pampanga.
Batay sa report na tinanggap ni Quezon City Police District (QCPD) Director PBGen Redrico Maranan, si Carlo Cadampog, 35, ay naaresto ng mga operatiba ng Novaliches police station 4 sa parking lot ng isang mall sa Quirino Highway dakong alas-12:10 ng tanghali noong Lunes, Abril 1.
Ang pag-aresto kay Cadampog ay base sa warrant of arrest na inisyu ni Judge Nevic Adolfo ng Regional Trial Court Branch 83 sa Tanauan City, Batangas.
Walang inirekomendang piyansa laban kay Cadampog.
Si Cadampog, kasama ang siyam pang mga kasabwat ay idinadawit sa pagpatay kay Eduardo Tolosa, CEO ng Iraseth Pharma Inc., na nawala matapos itong huling makitang buhay sa Bonifacio Global City sa Taguig noong Hulyo 19, 2022.
Bago matagpuan ang sunog na bangkay ng biktima, may dala umano itong P5.7 milyong cash at dalawang mamahaling relo.
Sa report, tatlong araw umanong sinunog ang bangkay ni Tolosa sa isang sakahan sa Sto. Tomas, Batangas. Ang kaniyang sasakyan ay natagpuang sunog sa San Luis, Pampanga.
Sina Cadampog, kapatid nitong si Cesar, Adrian Joseph Mendez, Richmel Riel Ignilan, Jomer Vizcarra at Aldrin Antonio ay kinasuhan bilang pangunahing mga suspek.
Kinasuhan naman bilang mga ‘accessories’ sina John Benedict Dumalanta, Victor Ferrer, David Gundran Jr. at Melvin Andes.
Inamin ni Cadampog na alam niyang may warrant of arrest laban sa kanya ngunit tumanggi siyang magkomento hinggil sa kaso at kung bakit siya nagtago.
- Latest