MANILA, Philippines — Iniulat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na naging mapayapa sa pangkalahatan ang katatapos na paggunita ng Semana Santa sa Kalakhang Maynila.
Ayon kay NCRPO director, Maj. Gen. Jose Nartatez Jr., walang naitalang anumang ‘untoward incidents’ sa kabuuang Holy Week sa Metro Manila.
Aniya, bunga ito ng kanilang ginawang paghahanda at sa inilatag na heightened security measures.
Binigyan diin ni Nartatez na agad silang gumawa ng assessment sa seguridad, publiko at lugar kaya naging matagumpay at payapa ang pagdaraos ng Holy Week.
Nabatid kay Nartatez na bumaba sa 30.42% ang crime rate nitong Holy Week kumpara sa bilang noong nakaraang taon.
Dagdag pa ni Nartatez na ito’y bunga ng pakikipagtulungan ng NCRPO sa mga LGU at private stakeholders upang mapanatili ang kapayapaan.
Nagpakalat ang NCRPO ng 12,407 pulis sa mga pampublikong lugar, kasama na sa 295 simbahan, 90 pangunahing lansangan, 139 transport terminals o hubs, sa 1,092 commercial areas at 82 lugar ng pagtitipon.