783 PDLs pinalaya sa buwan ng Marso - BuCor

MANILA, Philippines — Nasa kabuuang 783 persons deprived of liberty (PDLs) ang pinalaya ng Bureau of Corrections para sa buong buwan ng Marso ngayong taon mula sa iba’t ibang operating prisons at penal farms nito sa bansa.

Sinabi ni Bureau of Corrections Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na mas mataas ng 77 bilang ng PDLs ang napalaya ng nakalipas ng buwan kumpara noong nakaraang Pebrero na nasa kabuuang 706.

Dahil dito, umabot na sa 12,836 ang bilang ng mga PDLs na pina­laya ngayong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. Kinabibilangan ito ng 132 naabswelto, apat na nakalaya sa piyansa, dalawa sa conditional pardon, 528 ang nakatapos ng maximum sentence, 20 ang napagkalooban ng probation, at 97 ang nabigyan ng parole.

Sa nasabing bilang, 149 ay mula sa New Bilibid Prison (NBP)-Minimum Security Compound, 146 mula sa NBP Maximum Security Compound, 99 mula sa NBP- Medium Security Compound, 96 mula sa Davao Prison and Penal Farm, 65 bawat isa mula sa Correctional Institution for Women at Iwahig Prison and Penal Farm, 55 mula sa San Ramon Prison at Penal Farm, 48 mula sa Sablayan Prison at Penal Farm, 44 mula sa Leyte Regional Prison at 16 mula sa NBP-Reception and Diagnostic Center (RDC).

Sa nasabing kabuuang bilang, 500 PDLs mula sa NBP sa Muntinlupa City ang inilipat nitong Linggo ng hapon sa San Ramon Prison at Penal Farm sa Zamboanga City bilang bahagi ng decongestion program.

Inaasahan na ang nasabing bilang ay magiging karagdagan na magtatrabaho sa programang pang-agrikultura ng SRPPF.

Nailipat na ng BuCor ang kabuuang 2,248 PDL mula sa NBP sa Leyte Regional Prison, Iwahig Prison and Penal Farm, Davao Prison and Penal Farm, Sablayan Prison and Penal Farm at San Ramon Prison and Penal Farm mula Enero ng taong ito.

Show comments