MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Pasig City government na nakapagtala sila ng 17 bata na dinapuan ng pertussis sa lungsod, at dalawa rito ang namatay.
Sa datos ng lokal na pamahalaan, nabatid na hanggang nitong Biyernes, may naitala silang 25 suspected pertussis cases.
Nasa 17 umano sa mga pasyente ang nagpositibo sa sakit, walo ang probable cause at dalawa ang nasawi.
Kinumpirma naman ng pamahalaang lungsod na karamihan sa mga kaso ay sanggol na dalawang buwang gulang lamang.
Mayroon din umano sa mga bata na hindi bakunado laban sa karamdaman.
Ang pertussis ay kilala rin sa mga tawag na whooping cough (100-day cough) o ubong- dalahit.