Biktima ginamit sa pamamalimos
MANILA, Philippines — Matapos ang apat na araw na pagkawala, natagpuan sa Quezon City ang 5-anyos na batang babae na naiulat na dinukot at nawawala sa Balibago, Pampanga.
Naibalik na sa kanyang magulang ang paslit na si “Alliyah” habang naaresto ang hinihinalang kidnaper ng bata na kinilalang si Argie Santianes, 35, ng Tanong Road, Malabon City, at ngayo’y nakapiit na sa Quezon City Police District-Novaliches Police Station 4.
Sa report na tinanggap ni QCPD-Novaliches Police Station 4 chief Lt. Col. Reynaldo Vitto, alas-12:30 ng tanghali nitong Huwebes nang mamataan ang biktima kasama si Santianes na naglalakad sa Quirino Highway sa Brgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City.
Dahil pamilyar at napanood sa telebisyon ang pagkawala ng bata, humingi ng tulong ang isang concerned citizen na si Allan Escalona, 36, kay BCPC Theresa Gerasmio at BPSOs ng Brgy. San Bartolome, Novaliches, Quezon City at agad na ni-rescue ang biktima mula kay Santianes.
Agad na dinala ang dalawa sa nasabing himpilan ng pulisya.
Ayon naman sa ina ng bata, nagpakilala umano si Santianes na ama ng biktima kaya sumama ang huli.
Nabatid na ginagamit ng suspek sa panlilimos ang biktima.
Mahaharap sa kidnapping at child trafficking ang suspek.