Higit 1K special permit sa PUVs, inaprub – LTFRB
Bibiyahe sa Semana Santa
MANILA, Philippines — Nagpalabas ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng special permit sa 1,021 public utility vehicles (PUVs) bilang dagdag pampasaherong sasakyan na maghahatid sundo sa dagsa ng pasahero sa panahon ng Semana Santa palabas at papasok ng Metro Manila.
Ang special permit ay maaring gamitin hanggang April 14.
Kaugnay nito, sinabi ni LTFRB Chairman Teofilo Guadiz na katulong nila ang mga elemento ng Land Transportation Office (LTO) sa pagsasagawa ng inspection sa mga pampasaherong sasakyan sa mga pangunahing terminal tulad sa Parañaque Integrated Terminal Exchange (PITX), Cubao area at iba pang bus terminal kaugnay ng Oplan Bantay-Biyahe Semana Santa 2024.
“Nakaalerto po ang LTFRB, kasama po ang ating mga regional offices at may mga nakaantabay po silang angkop na security at safety measures sa kani- kanilang regions. So mayroon po tayong deployed LTFRB personnel para sa public assistance po ng ating pasahero,” sabi naman ni LTFRB spokesperson Celine Pialago.
Inanunsyo rin ni LTO chief Vigor Mendoza na handa na ang lahat ng mga tauhan ng ahensiya sa ipatutupad na road security measures sa kanilang mga areas of responsibility sa panahon ng Semana Santa.
Inatasan din ni Mendoza ang lahat ng regional directors at iba pang opisyales ng LTO na makipag-ugnayan sa local government units at iba pang ahensiya para matiyak na ligtas ang biyahe ng mga pasahero sa panahon ng Kuaresma.
Pinayuhan ni Mendoza ang mga bus companies na bantayan ang kanilang hanay at gumawa ng kanilang sariling hakbang para matiyak na walang mechanical problems ang kanilang mga bus sa panahon ng biyahe palabas at papasok ng Metro Manila.
Ipinaalala rin ng LTO sa mga delinguent vehicle owners na huwag gagamitin ang sasakyang ngayong holy week at sa panahon ng bakasyon kung hindi rehistrado ang sasakyan dahil tuloy ang pagpapairal ng ahensiya sa “No Registration, No Travel” policy.
- Latest