Kriminal wala nang lusot, hi-tech Face app nilarga
MANILA, Philippines — Sa loob lamang ng ilang segundo, malalaman na kung may criminal record at pending warrant of arrest ang isang indibiduwal.
Ito’y matapos na simulan nang gamitin ng Quezon City Police District (QCPD) ang pinakabagong facial recognition application (Face app) sa itinayong Unified Intelligence and Investigation Center (UIIC).
Nabatid kay QCPD Director PBrig. Gen. Redrico Maranan, kukuhanan ng larawan sa cellphone ang nahuling suspect, ipapadala ang litrato nito sa Viber group ng QCPD Cyberpatroller Group, isasailalim sa cross match sa unified system ng larawan at doon lalabas kung may warrant of arrest o criminal record.
“Ita-tie up natin doon sa ating data base kung saan naroon ang lahat ng mga taong hinuli natin na may pending warrants of arrest, lahat ng may criminal records,” ani Maranan.
Malalaman din kung gumagamit ang suspek ng ibang pangalan o peke ang ID na ipinapakita nito. Matapos ang verification, babalik sa arresting officer at malalaman kung may nakabinbing kaso ang inaresto.
“So kahit baguhin n’ya ‘yung mga pangalan niya o hitsura niya during the arrest so immediately magkakaroon ng information ‘yung arresting officer na siya pala ay naaresto na dati, at itong pangalan na ito ang kanyang ginamit,” dagdag niya.
Ani Maranan, malaking tulong ang bagong app para sa accurate identification ng mga suspek, lalo’t marami umano ang nakakalusot sa paggawa ng mga pekeng dokumento.
Aminado si Maranan na gumagawa ng bagong mga fake identifications ang mga kriminal kaya nakakalusot. Subalit ngayon tiniyak niyang wala nang lusot ang isang wanted at madali nang mapapanagot.
“This is only one of the ways kung papaano natin ma-identify hindi lamang ito name basis, puwede naman through research at pagkatapos ito facial recognition. Add on lang ito, at mas mabilis ito,” dagdag pa ni Maranan.
Paliwanag ni Maranan, hindi ito papasok sa isyu ng mistaken identity dahil ang bagong system application ay dagdag lang sa kanilang mga measures o paraan kontra krimen.
- Latest