MANILA, Philippines — Tinatayang nasa 600 pamilya ang nawalan ng tirahan makaraang matupok ang may 200 kabahayan nang sumiklab ang malaking sunog sa isang residential area sa Muntinlupa City, Linggo ng madaling araw.
Batay sa ulat na ipinadala ng Fire Department III-Muntinlupa sa Muntinlupa City Public Information Office, dakong alas-4:40 nang sumiklab ang apoy na nagmula sa bahay umano ng pamilya ni Rowena Cantos, ng Maria Tigue Compound, barangay Alabang, ng nasabing lungsod.
Umakyat hanggang ikalawang alarma ang sunog alas-7:22 ng umaga at idineklarang fire-out ni Fire Supt. Rowena Gollod alas 9:42 ng umaga.
Tinatayang P750,000 ang napinsalang ari-arian sa insidente na masuwerteng walang nasawi o nasaktan.
Sa pinakahuling ulat ala-1:30 ng hapon, nasa 600 pamilya ang naitalang apektado ng sunog.
Iniimbestigahan pa ng mga fire investigators ang sanhi ng sunog.