MANILA, Philippines — Isang babae ang nasa kritikal na kondisyon matapos na mahulog sa southbound lane ng Recto-Quezon Boulevard underpass nitong Linggo ng umaga.
Sa blotter ng barangay, inireport ang insidente dakong alas-8:40 ng umaga ng Marso 17, 2024.
Nakasaad sa blotter na ang biktima na si alyas “Mikaela”, 18-anyos, at taga-Manuguit, Tondo, Manila ay sinasabing nagawang tumalon bunsod diumano ng “stress”.
Ginagamot sa Jose Reyes Memorial Medical Center (JRMMC) dahil sa mga tinamong pinsala sa ulo at katawan ang biktima na posibleng nabalian dulot ng pagbagsak sa konkretong kalye. Masuwerteng hindi siya nasagasaan, na agad namang itinawag ng mga nakasaksi sa awtoridad.
Rumesponde ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) at Bureau of Fire Protection-Emergency Medical Services (BFP-EMS) para sa maingat na pag-aangat sa katawan ng biktima sa stretcher at isinakay sa ambulansya patungo sa ‘di binanggit na pagamutan. Iniimbestigahan pa ang insidente kung ito ay kaso ng tangkang suicide.