MANILA, Philippines — Umaabot sa P15 milyong halaga ng marijuana at cocaine ang nasabat ng mga tauhan ng Philippine National Police Philippine Drug Enforcement Group (PNP- PDEG) sa Pasay.
Ayon kay PDEG Director PBrig. Gen. Dionisio Bartolome Jr., nakumpiska ang mga nasabing droga sa Central Mail Exchange Center sa Domestic Road bandang ala-1:30 ng hapon nitong Biyernes.
Nakatanggap sila ng impormasyon na may babagsak na illegal drugs sa nasabing post office kaya agad nilang ikinasa ang operasyon.
Tinatayang nasa 2.45 kilos ang cocaine na may street value na P12.99 milyon habang nakalagay naman sa anim na plastic bag ang 1.3 kilos ng marijuana na may halagang P2.46 milyon.
Dinala na sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga nasabat na illegal drugs.
Iniimbestigahan na rin kung saan galing ang mga kontrabando at consignee nito.