MANILA, Philippines — Inumpisahan na ang planong food trail sa lungsod ng San Juan, matapos na buksan ang isang pinagmamalaki at pinakamatandang fast food restaurant na tanyag at dinarayo sa Chinatown sa Maynila.
Ipinagmalaki ni San Juan Mayor Francis Zamora ang pagtatayo sa kanilang lungsod ng kauna-unahang sangay ng pinakamatandang fast food restaurant sa Manila Chinatown, na inaasahang hahatak ng mga lokal at banyagang turista.
Nitong Biyernes, Marso 15, mismong si Zamora ang nanguna sa ribbon-cutting ng “Chuan Kee” restaurant, sa F. Blumentritt St., San Juan City, kasama ang pamilyang nag-oopereyt ng nasabing restaurant sa pangunguna ng ama ng tahanan na si Gerie Chua, ang kilalang volunteer fireman, may-ari ng popular na Chinese deli na kinabibilangan ng sikat na “ube hopia”, at sumusuporta sa pondo para sa fire volunteer sa Binondo na nasasangkot sa sakuna sa pagresponde sa sunog saan mang lugar sa Metro Manila at iba pang karatig na lugar.
Ang 84-anyos na Chuan Kee restaurants, ang Café Mezzanine, at Eng Bee tin delicacies stores ni Chua na dinarayo sa mataong lugar sa Binondo ay dinala sa San Juan City sa kahilingan na rin ng mga pamilyang dating mga suking taga-Maynila, na ngayon ay naninirahan sa San Juan.
“Kami po dito sa San Juan ay sobrang natutuwa dahil dito sa aming lugar napili ni Gerie unang maglagay ng branch ng isang restaurant na makasaysayang, maalamat o legendary dahil ito ang oldest existing restaurant sa buong Binondo Chinatown,” ani Zamora.