MANILA, Philippines — Nasa 11,347 na pulis ang ipakakalat ng National Capital Region Police Office (NCRPO) para matugunan ang hamon sa inaasahang pagiging abala ng mga tao sa nalalapit na pagdiriwang ng Semana Santa at pagsisimula ng Summer Vacation (SumVac).
Ayon kay NCRPO chief, Police Major General Jose Melencio Nartatez Jr., simula Marso 25 ay ipoposte na ang mga tauhan ng NCRPO hanggang Marso 31,2024 para sa iba’t ibang aktibidad at mga paglalakbay sa Mahal na Araw at susundan agad ng pagsisimula ng bakasyon sa tag-araw mula Abril 1 hanggang Mayo 31, 2024.
Tututukan ang pagdagsa ng mga tao sa mga terminal ng bus, seaports, airports, mga lansangang nagsisikip sa trapiko dahil na rin sa panahong ito ay nagsisi-uwian sa sariling bayan ang mga mamamayan at mga balikbayan para sa Semana Santa at mga piyesta.
Samantala, ang team NCRPO ay nakipagtulungan sa mga local government units, iba pang law enforcement agencies, at private stakeholders para magtatag ng komprehensibong security framework.
Kabilang dito ang paglalagay ng mga tauhan sa critical traffic points at ang pagtatatag ng Police Assistance Desks (PADs) upang magbigay ng suporta at tulong para sa mga manlalakbay sa buong rehiyon sa panahon ng holy week at SumVac 2024.
Ang mga mekanismo sa pagbabahagi ng impormasyon at magkasanib na operasyon ay magiging pinakamahalaga sa pagpapanatili ng isang mapagbantay at tumutugon na makinarya sa seguridad.
Hinikayat ni Nartatez ang publiko na makipagtulungan, maging mapagmatyag at ireport kaagad sa mga awtoridad kung may mapapansing kahina-hinalang kilos ng indibiduwal o grupo.