MANILA, Philippines — Hinikayat nitong Biyernes ni House Assistant Minority Leader at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas ang Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST) sa Manila na tuldukan na ang anti-LGBTIQA (Lesbian, Gay, Bisexual, Transgender, Intersex and Asexual) na polisiya laban sa mga estudyante.
Ito’y matapos na puwersahang gupitan ng buhok ang isang transgender dahil hindi siya papayagang makapag-enroll ng administrasyon ng EARIST kung hindi magpapagupit noong Marso 13 na huling araw ng enrollment para sa 2nd semester.
Ang insidente ay nag-viral sa social media partikular na sa X kung saan kitang-kita sa video na nagtakip ng mukha sa pagkakapahiya ang isang 2nd year College Entrepreneurship student ng EARIST na itinago sa pangalang Gwen.
Binigyang diin ni Brosas na sobra ang diskriminasyon ng nasabing polisiya sa transgender na estudyante na nais lamang ipahayag ang kaniyang totoong kasarian bilang miyembro ng LGBTIQA.
“Every student has the right to access education without facing discrimination or prejudice based on their gender identity or expression,” ani Brosas.
Binigyang diin ng lady solon na ang nasabing insidente ay nagpapakita lamang na dapat ipasa na ang SOGIESC Equality Bill at iba pang mga polisiya laban sa diskriminasyon sa LBTQIA.