MANILA, Philippines — Patay ang magkapatid na menor de edad habang sugatan naman ang isang babae sa sunog na sumiklab sa isang residential area sa Mandaluyong City kamakalawa ng hatinggabi.
Kinilala ang mga biktima na sina Justine Dave Postigo, 6, kindergarten pupil, at Joyce Anne Postigo, 15, Grade 10 student.
Samantala, sugatan naman sa sunog si Angelou Quintana, 22, na nagtamo ng lacerated wound sa kanyang mukha.
Batay sa ulat ng Mandaluyong BFP, dakong alas-11:51 ng gabi kamakalawa nang maganap ang sunog sa tahanang matatagpuan sa Star Interior, Brgy. Poblacion, Mandaluyong City at mabilis na kumalat sa mga katabing tahanan.
Ayon sa mga imbestigador, bago ang sunog, napaulat na hindi nakalabas ng kanilang tahanan ang mga biktima.
Sa panayam sa ginang sa radyo, sinabi nitong nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng kanilang bahay kung saan natutulog ang magkapatid.
Nagkataon naman umanong bumaba siya ng bahay upang kumuha sana ng arinola subalit mabilis aniya ang pangyayari, hindi na niya nagawang balikan pa at iligtas ang mga anak.
Agad na nagsagawa ng mopping operation at nadiskubre ang mga bangkay ng magkapatid.
Sa pagtaya ng mga awtoridad, aabot sa 50 bahay ang tinupok ng apoy at nasa 150 pamilya ang naapektuhan nito.
Nahirapan umano ang mga pamatay-sunog na pumasok sa lugar dahil sa masisikip na eskinita doon.
Sa lakas ng apoy, kaagad na itinaas sa ikalawang alarma ang sunog matapos lamang ng ilang minuto.
Dakong ala-1:01 na ng madaling araw nang maideklara itong under control at tuluyang naideklarang fire out bago mag-alas-2:00 ng madaling araw.
Kasalukuyan pang nagsasagawa ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente, upang matukoy ang pinagmulan nito, gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok ng apoy.