Shipment galing Thailand
MANILA, Philippines — Nadiskubre ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) ang tinatayang aabot sa P238.2 milyong halaga ng pinatuyong marijuana o kush na nakatago sa may 12 na balikbayan boxes na mula sa Thailand sa Manila International Container Port (MICP) noong nakaraang linggo.
Ayon kay Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) Director Verne Enciso, humiling ang CIIS-MICP na mag-isyu ng alert order laban sa shipment na naglalaman ng balikbayan boxes matapos na makatanggap ng derogatory information na may nakatago ditong mga ilegal na droga at iba pang misdeclared at undeclared items.
Nabatid na ang 100% physical examination sa shipment ay isinagawa mula Marso 3 hanggang 8 ng nakatalagang Customs examiner at sinaksihan ng CIIS, Enforcement and Security Service (ESS), Customs Anti-Illegal Drug Task Force (CAIDTF), Philippine Coast Guard (PCG), Environmental Protection and Compliance Division (EPCD), ODC, at ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Anang BOC, limang balikbayan boxes na naka-consigned kina Gerard Cruz at Erika Cruz ang nadiskubreng naglalaman ng 126 pakete ng marijuana na may kabuuang timbang na 65,000 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P78 milyon.
Isa pang batch ng limang balikbayan boxes naman na naka-consigned sa BKKCHCF SHN ang nadiskubreng nagtataglay ng 138 pakete ng marijuana na may estimated weight na 70,000 gramo at nagkakahalaga ng humigit-kumulang sa P84 milyon.
Nauna rito, dalawang balikbayan boxes din ang natuklasang may marijuana na nakatago sa mga food packages at mga kumot at naka-consigned sa isang Jonathan/Francis Ayala. Ito ay tumitimbang ng 63,500 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P76.2 milyon.
Ayon kay Intelligence Group Deputy Commissioner Juvymax Uy, ang mga kahon ng marijuana ay ibinalik sa loob ng container at saka ito muling ipinadlak at sinelyuhan. Mananatili muna ito sa kustodiya ng BOC hanggang sa makumpleto ang imbentaryo at saka ito iti-turn over sa PDEA.