Oil spill buhat sa tanker sa SLEX, nagsanhi ng motorcycle accident
MANILA, Philippines — Isang tanker na may kargang coconut oil ang bumangga sa poste na nagsanhi sa pagkalat ng langis sa Magallanes, bahagi ng South Luzon Expressway (SLEX) na naging dahilan ng disgrasya partikular sa mga motorsiklo kahapon ng umaga.
Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), naganap ang insidente dakong alas-7:00 ng umaga sa kahabaan ng entry ramp sa Magallanes Skyway, southbound lane kung saan bumangga sa concrete post ang tanker na may plakang UKS170.
Nagkalat ang langis sa magkabilang linya dahilan naman para madulas ang ilang mga naka-motorsiklo. Ilan sa mga ito ang nasugatan kung saan agad na dinala ng sa Villamor Air Base para magamot.
Nagtulungan naman ang tauhan ng MMDA at Skyway para mapaluwag na ang matinding traffic na idinulot ng oil spill.
Ayon kay Southern Police District (SPD) Director Police Brigadier General Mark Pespes, pinipigil na para imbestigahan ang driver ng tanker na si Bernie Rivas, residente ng Muntinlupa City.
Nalinis na rin ang magkabilang lanes at naging passable naman bago pa magtanghali.
- Latest